Sabi ng mga kaklase ko, wala na raw kaming field trip dahil mayroon daw kaming immersion trip. Nagtataka sa kanilang sinabi, tinanong ko kung saan naman kami makakarating sa aming immersion trip. Sabi nila, sa paligid-ligid lang daw ng Marikina. Inisip ko ang mga nakaraang field trip namin. Lahat out-of-town. Nakakayamot isiping huling taon na namin sa IJA, ipagkakait pa sa amin ang makarating sa malalayong lugar. Hindi ba pwedeng mag-field trip na lang kami kaysa sa mag-immersion trip?
Sa una, napakanegatibo ng tingin ko sa immersion trip. Tingin ko, hindi naman ako masisiyahan sa gagawin namin. Mababagot lang ako hindi katulad noong mga nakaraang taon kung saan nakarating kami sa iba't ibang lugar; maraming nasilayang magagandang tanawin at lubos na natuwa sa paglalaro sa iba't ibang sites na napuntahan namin. Sa immersion trip, binigyan lamang kami ng tatlong lugar na patutunguhan: St. Camillus, Marikina Rehabilitation Center at Lower Panganiban. Matagal ko nang alam ang mga lugar na ito. Napakalapit lang nito sa eskwelahan at wala naman kaming gaanong makikita. Hindi naman kami pupunta sa mga lugar na ito upang magkasiyahan; pupunta lang kami upang pasiyahin ang mga taong hindi ko naman kilala na nakapiit sa mga lugar na ito. Ano naman ang mapapala ko dito?
Noong umaga ring iyon, dala ko ang aking kamera. Kabilang ako sa grupo na naatasang gumawa ng mga dokyumentaryo tungkol sa aming immersion trip. Hindi ako ganoong nasasabik pero alam ko ang mga dapat gawin. Pagdating namin sa St. Camillus, lahat ng mga negatibong pahayag na sinambit ko kanina ay nawala.
Sa St. Camillus matatagpuan ang mga matatandang inabandona na ng kanilang mga anak at pinaalagaan na lamang sa mga nars dito sa center. Napakatatanda na nila at talagang mukhang mahina na tila kapag pinitik mo sila ay bigla na lamang silang babagsak. Nakakaawa ang mga matandang ito. Sila ang nagpalaki at nagaruga sa kanilang mga anak pero nang sila naman ang nangailan ng pag-aaruga, sila ay tinalikuran at iniwaksi. Nang makilala namin ang mga matatanda, tila sabik na sabik silang makipag-usap sa amin. Napakarami nilang kwento, napakaraming bilin. Itinuring nila kami na parang mga apo na pinapayuhan tungkol sa pag-aaral at lalo na sa pag-ibig. May mga matatandang may sumpong at masungit ngunit kinalaunan ay nagawa namin silang palambutin at hayaan kaming pasayahin sila sa araw na iyon. Pinakain namin sila ng ensaymada. Tinanong ko ang aking kausap na si Ms. Kate kung nagustuhan ba niya ito. Sabi niya, "acceptable", sabay ngiti. Si Ms. Kate ay isang amerikano. Patay na ang kanyang asawa pero sinasabi niya na naglalakbay ito. Ang kanyang mga anak ay naglalakbay din. Pinakitaan niya kami ng mga litrato ng kanyang mga anak at nalaman naming may kanya-kanya na palang pamilya ang mga ito. Ibinibida ni Ms. Kate ang kanyang mga apo at ang mga talento nila. Hiling lang niya na sana ay mas madalas siyang dalawin ng mga ito. Si Lolo Arnel naman ay ang chick boy dito sa St. Camillus. Siya ang pinakaunang lolo na kinausap ko pagkarating sa St. camillus. Lahat ng tao dito ay tinuturo niya at sinasabing girlfriend daw niya. Pati nga ako napasama na sa mga girlfriend niya. Lubhang bolero ang matandang ito at lahat para sa kanya ay maganda, seksi at matalino. Ang galing 'di ba?
Nang dumating na ang oras para umalis sa St. Camillus, sinabi ko kay Ms. Kate at Lolo Arnel na susubukan kong bumalik sa Pasko at sa kanilang mga kaarawan. Kung pupunta ako dito sa Disyembre 25, Marso 25 o 26, hindi naman siguro ito lubhang sagabal sa akin kaya't sinabi ko na talagang susubukan kong dumayo uli sa lugar na ito. Mahilig silang magmano o humalik sa kamay samantalang kami dapat ang gumagawa noon. Ayaw man naming umalis, nagpaalam na kami sa mga bago naming lolo at lola para pumunta sa susunod naming destinasyon: ang Marikina Rehabilitation Center.
Bago pa ang immersion trip, marami nang mga pagbabawal ang sinabi ng aming mga guro. Bawal ang kamera, bawal ang kahit anong matutulis na bagay. Tila nakakatakot na pumasok sa lugar na ito. Ang tingin ko sa mga rehabilitation center ay mas malala pa sa tingin ko sa mga prisinto o sa mental hospital. Sa prisinto, ang mga tao ay nasa wisyo ang pag-iisip. Sa mental hospital, alam kong wala akong makikita doon na tuwid ang isip. Sa rehab, hindi ko alam kung naong klaseng mga tao ang aking makikita at kung sakali ay makikilala. Sila ay nakagamit na ng ipinagbabawal na gamot, may isip na kayang gumawa ng paraan upang saktan ang isa sa amin. Parang prisinto at mental hospital na pinagsama ang tingin ko sa rehab. At muli, ako ay napasinungalingan ng aking mga hinala.
Ang mga tao sa rehab ay disciplinado. Mas disciplinado pa sa aming mga estudyante. Sabay-sabay sila kung bumati, sabay-sabay umupo, pumalakpak, sumagot, magdasal, lahat na. Tila magkakakabit sila. Ang tawagan nila ay brother at family. Lahat sila ay kalbo at naka-shirt na naka-tuck-in sa shorts. Pumasok lamang kami sa male ward at pinakauna kong angal ang amoy. Amoy lalaki. Pero lubha akong nasiyahan sa programang isinasagawa ng mga pasyente sa rehab. Naghayag ang iba ng balita. Ang iba'y sinabi ang word of the day, slogan at insights. Ang nakakatakot talaga ay ang "pa-humble report" kung saan sumailalim ang ilang pasyente sa isang matinding sermon na tila sila ay mga nasasakdal sa pagpatay ng isang buong barangay. Sinigawan sila ng masasakit na salita sa mapakataas na boses na tila binabasag ang kaloob-looban mo. Kung ako ang nasa lugar ng mga pasyenteng pinapagalitan, malamang tumaas din ang boses ko at sinimulan ko na ring sigawan ang nagsesermon sa akin. Pero nagawa pa ng mga pasyente na magsabi ng "opo kuya" at "thank you kuya"; at dahil dito, lalo akong humanga. Naghandog din sila ng mga awitin at sinagot ang ilan sa aming mga tanong. May ilang nagkwento tungkol sa kung papaano sila pumunta dito at maririnig mo ang pagsisisi sa kanilang mga boses. Naghandog din kami ng mga awitin sa kanila. Nang papaalis na kami, ang tanging paalala sa amin ng tatay-tatayan doon ay, "Kaya kayo narito upang makita ang pinagdadaanan ng mga taong nalulong sa masamang bisyo. Sana naman hindi kayo mapadpad dito sa hinaharap." Sinisugarado kong hindi ako mapupunta sa lugar na ito. Hindi ko makakaya ang ginagawa nila.
Ang huling nakilala namin ay ang mga bata sa Panganiban.
May mga kakilala akong bata na taga-Panganiban. Nakilala ko sila noong nag-story telling kami noong buwan ng wika. Nang makita ko silang muli at bumati sila ng "hello ate :)" napangiti ako bigla at sinabing "masaya rin pala 'to".
May hinanda kaming programa para sa mga bata sa Panganiban. Napakarami naming hinandang laro para sa mga bata. Ang bawat isa sa amin ay naatasang samahan ang isang bata sa paglaon ng programa. Sa una ay wala akong kasama pero maya-maya'y naghanap din ako ng batang maituturing na anak-anakan sa araw na iyon. Sa mga laro na sinalihan namin, talagang binigay namin ang lahat upang manalo dahil kapag nanalo kami ay may premyong matatangap ang mga alaga namin. Away-away pa kami noon dahil sa tindi ng kompetisyon. Kami-kami rin kasi ang naglalaban kaya nasaway tuloy kami ng aming guro. Matapos maglaro, pinakain din namin ang mga bata.
Nakakatuwa ang mga bata sa Panganiban. Lahat sila game sumali sa mga laro at kapag natanggap nila ang kanilang mga premyo, talaga namang abot-tenga ang kanilang mga ngiti. Napakasarap tignan ng kanilang mga innosenteng mukha na puno ng ligaya sa pakikipag-laro sa amin. Aaminin ko na may isang bata na hindi ko nilapitan. Kung maiaalis ko lang sana ang pangamba ko na baka magkaroon din ako ng sore eyes, sinamahan ko sana ang batang iyon. Binagabag ako ng husto ng aking konsensya nang sinabi ko sa kanya na hindi niya ako pwedeng maging partner sa mga laro. Natakot kasi ako.
Natapos ang programa at sobrang pagod talaga kaming lahat. Umalis ang mga bata na may baong munting laruan at malaking ngiti. Kami rin ay bumalik sa paaralan na baon ang munting ngiti at mas malawak na pang-unawa sa mga nangyayari sa aming paligid.
Marami akong natutunan sa aming immersion trip at hindi tulad noon, masaya ako na sa huling taon namin sa IJA ay nagawa naming kilalanin ang iba't ibang tao na may iba't ibang estado sa buhay. Ngayon, hindi ko na lamang nakikita ang aking sarili na humahanap ng bagay na ikasisiya ko. Sa halip, nakikita ko ang aking sarili bilang isang responsableng mamamayan na isinasaalang-alang din ang kasiyahan ng iba. Tunay na makabuluhan ang immersion trip namin at sana, hindi lamang kami ang nakakaranas nito. Sana lahat ng estudyante sa IJA ay magawang sumama sa mga munting paglalakbay na ito dahil marami talagang matututunan dito.
*Gahd, nose bleed*